Nasusunog ang maraming kabahayan sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng umaga, Nobyembre 24, sa hindi pa natutukoy na dahilan.
Ayon sa updates na makikita sa official Facebook page ng Manila Public Information Office (MPIO), dakong 8:40 ng umaga nang i-akyat sa ikalimang alarma ang sunog sa residential area sa Purok 2, batay naman sa ulat ng Manila Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Office.
Ibinahagi rin nila ang mga kuhang larawan at video ng aerial view kung saan makikitang nilalamon ng nagngangalit na apoy ang mga kabahayan, habang nasa himpapawid naman ang maitim at makapal na usok.
Bandang 10:43 ng umaga nang ibahagi ng MPIO ang pagtulong ng Philippine Air Force sa pag-apula ng apoy sa pamamagitan ng helibucket, habang nagsanib-puwersa na ang mga bumbero at iba pang team para mapatay ang apoy sa grounds.
Sa huling update ng MPIO bandang 1:55 ng hapon, nakataas pa rin ang Task Force Charlie sa nasusunog na lugar.
Sa update naman ng Manila DRRM Office sa kanilang Facebook page, under control na ang sunog dakong 2:07 ng hapon.