November 05, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer
Photo courtesy: DepEd Philippines (FB)

Ipinagmalaki ng Department of Education (DepEd) ang isang police officer na produkto ng Alternative Learning System o ALS.

Mababasa sa "DepEd Philippines" official Facebook page ang tampok na kuwento ni Mark Joenard Bautista sa Passi City, na nakatapos ng ALS noong 2015.

"In God's grace, nakapagtapos po ako ng ALS at nakapasa sa pagsusuri. Dahil dito, nabigyan po ako ng bagong kredensyal upang makapag-enroll sa kolehiyo," aniya.

Ang pagsisikap at suporta raw ng pamilya ang nagbigay ng lakas ng loob kay Mark upang tapusin ang kaniyang pag-aaral.

Human-Interest

ALAMIN: Bakit 'main character' tawag sa mga taga-NCR na umuuwi sa probinsya?

"Huminto si Mark sa high school matapos ma-expel mula sa isang pribadong paaralan dahil sa problemang pinansyal. Dahil dito, hindi niya nakuha ang mga personal na dokumento na naging hadlang niya sa pagpasok sa pampublikong paaralan," mababasa sa post.

“May isang guro na kumausap sa aking ina at nagsabing tutulungan akong makapagtapos ng high school. Isa rin siyang guro ng ALS at siya ang naging adviser ko,” kuwento ni Mark.

Mababasa pa sa post, "Sa panibagong oportunidad, ipinagpatuloy ni Mark ang pag-aaral hanggang kolehiyo sa Passi City College, sa kursong Bachelor of Science in Criminology at nakamit ang diploma taong 2021. Sa kaparehong taon, agad siyang kumuha ng Criminology Board Exam at nakapasa sa unang pagkakataon."

"Isang tunay na halimbawa ng pagsisikap at dedikasyon ang pinatunayan ni Mark, na kasalukuyang nagbibigay ng serbisyo sa bayan at miyembro ng Philippine National Police sa Region VI, partikular sa Iloilo Province Mobile Force Company, 4th Platoon. Ang kaniyang kontribusyon ay nagbibigay ng seguridad at pagkakaisa para sa bagong Pilipinas," anila pa.