Dinakip ng mga pulis-Pasig City ang dating artistang si John Wayne Sace na pangunahing suspek sa umano'y pamamaril sa kaniyang kaibigan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa "Balitanghali" ng GTV, sinabi niyang inaresto ng mga awtoridad ang dating ABS-CBN actor matapos daw barilin ang kaibigang biktima sa Barangay Sagad, Pasig City, 7:30 ng gabi nitong Lunes, Oktubre 28.
Apat na tama ng bala mula sa kalibre 45 baril ang kumitil umano sa buhay ng biktima, at ilang oras matapos ang krimen, nagkaroon ng lead ang pulisya kung sino ang posibleng suspek. Nasukol umano si Sace sa isang hotel malapit sa sentro ng Pasig.
Mula sa detention cell ng Pasig City, inilipat umano si Sace sa Eastern Police District SOCO para isailalim sa paraffin test, upang malaman kung gumamit ba siya ng baril. Na-recover umano mula sa kaniya ang kalibre 45 baril na posible umanong ginamit sa pamamaslang.
Sinubukan umanong hingan ng panig si Sace kung ano ang posibleng motibo sa nabanggit na krimen, subalit ayon sa mga imbestigador, matagal na raw may alitan sina Sace at ang biktima.