November 22, 2024

Home FEATURES

ALAMIN: Umano'y nananatiling butas sa PUV Modernization program

ALAMIN: Umano'y nananatiling butas sa PUV Modernization program
Photo courtesy: Manila Bulletin (FB)

Halos pitong taon mula nang ipasa ng noo’y administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Jeepney Modernization Program, nananatili pa ring nakabinbin ang kabuuang implementasyon nito sa bansa. 

Simula ngayong araw ng Lunes, Setyembre 23 hanggang Setyembre 24, 2024, ay muling ikinasa ng nagkakaisang hanay ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at Manibela ang dalawang araw na tigil-pasada bilang pagpapakita pa rin ng kanilang panawagan para sa sariling prangkisa sa nasabing programa. 

Ilang ulit din inihayag ng grupo na hindi umano sila tutol sa mismong programa bagkus ay may ilang probisyon lamang dito ang hindi umano nila kayang tanggapin. 

Ito na ang ikaanim na beses ngayong taon na naglunsad ng tigil-pasada ang PISTON at Manibela kung saan nananatili pa rin nilang bitbit ang panawagang maibalik ang kanilang limang taong prangkisa gayundin ang Senate Resolution 1096 na kanilang pinanghahawakan na siya umanong pumapabor sa kanilang hanay, kungsaan isinasaad nito na ihinto muna ang tuluyang pagpapatupad ng naturang programa.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Matatandaang nagpasa ng resolusyon ang Senado na nagtatakda na itigil ang mandato ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) na hulihin ang mga hindi pa consolidated na mga tsuper mula nang tuluyang mapaso ang prangkisa nila noong Abril 30, 2024.

Ayon sa Senate Resolution 1096, isinasaad nito ang umano’y hindi konkretong plano ng LTFRB at DOTr hinggil sa pagpapatupad ng PUV Modernization kung kaya’t ipinag-utos ng Senado na ipatigil ang panghuhuli sa ngayo’y colorum na yunit ng mga nananatiling hindi pa consolidated.

Nasita ng Senado ang umano’y hindi kahandaan DOTr matapos nitong bigong masagot ang katanungan sa Senate hearing noong Hulyo, 2024 katulad na lamang ng:

1. Mataas na bilang ng unconsolidated na nakaamba rin umanong patuloy pang tumaas dahil sa umano’y mismanagement ng implementasyon ng programa.

2. Kwestyonableng halaga umano ng modernized jeep.

3. Umano’y hindi malinaw na plano ng DOTr sa naturang programa kabilang ang pagsasaayos ng mga ruta.

Sa ulat ng GMA News, inihayag din ni Senate President Chiz Escudero na hindi pa rin nalilinaw ng DOTr ang budget umano nito para matulungan ang mga jeepney operators.

“Hindi pa nasa pinal ng DOTr yung bayad doon sa mga lumang jeep na pang ambag sana nila sa down payment doon sa modern jeepney.”

Naninindigan din ang grupo ng mga tsuper na ang naturang programa ay pumapabor umano sa dayuhang negosyo at hindi sa mga Pilipino. 

Sa mga nakaraang panayam din ni MANIBELA chairman Mar Valbuena, sinabi niyang ang kawalan umano nila ng habol sa kooperatiba kapag ito ay naharap sa pagkalugi, ang isa mga pangamba nila hinggil sa sapilitang pagsuko nila ng kanilang prangkisa.

Matatandaang ilang beses iginiit ni Valbuena na may ilang kooperatiba na ang nagsara dahil sa pagkalugi kung saan ilang tsuper umano ang nawalan ng kabuhayan. 

Samantala, mariin pa rin umano itong pinabubulaanan ng LTFRB at iginigiit na sapat na ang 80% na bilang ng consolidated units upang tugunan ang pangangailangan ng mga komyuter.

-Kate Garcia