November 05, 2024

Home SPORTS

Shared posts ng tatay ni Carlos Yulo, parinig nga ba sa anak?

Shared posts ng tatay ni Carlos Yulo, parinig nga ba sa anak?
Photo courtesy: Mark Andrew Yulo (FB)/Olympics website

Tila maraming netizens ang sumasang-ayon sa mga shared post ni Mark Andrew Yulo, tatay ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo, tungkol sa kahalagahan ng magulang sa buhay ng mga atleta.

Kamakailan nga ay nag-share si Andrew ng isang post na ibinahagi ni Abubacar Pacasum Sultan tungkol sa pagkakaiba ng isang ina at ama. Bagama’t wala siyang iniwang caption dito, mababasa sa shared post kung paano dapat mapansin ang halaga ng magkaibang papel ng mga magulang sa buhay ng isang anak.

Nagtapos ang naturang post isang matibay na konklusyon.

“Ang pagmamahal ng ina ay nalalaman mo mula sa iyong kapanganakan.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Ang pagmamahal ng ama ay nauunawaan mo kapag naging ama ka na rin (kaya’t maghintay ka nang may pagtitiis).

Ang ina ay walang katumbas na halaga.

Ang ama ay hindi mapapalitan ng panahon,” mababasa rito.

Mark Andrew Yulo | Facebook

Bunsod nito, tila maraming netizens tuloy ang nagsasabing mensahe na raw ito ni Andrew kay Caloy patungkol sa hidwaan niya sa kaniyang ina na si Angelica Yulo.

Sa ilang shared posts pa rin kasi ni Andrew, makikitang kalimitan sa mga ito ay pagpapahalaga ng anak sa sakripisyo ng magulang. Isa sa mga ito ay ang kontrobersyal na post ng direktor na si Darryl Yap.

“Mabuhay ang mga magulang ng mga atletang Pilipino! Kayo ang lumaban- sa kahirapan, sa pagod at gutom, sa pangungulila kapag napapalayo ang anak at higit sa lahat sa pagtitiis sa likod ng mga palakpak at panghuhusga,” ang direktang post ng direktor na naging kontrobersyal din dahil patama raw umano kay Caloy.

Sa post din ni Darryl, makikita ring tinapos niya ito tungkol sa yakap ng isang ina.

“Para ito sa maraming kabiguan, makita lang ang mga anak na magtagumpay. Walang mas matimbang sa yakap ni Nanay.”

- Mark Andrew Yulo | Facebook

Matatandaang hanggang ngayon ay wala pa ring balita kung nabisita na nga ni Caloy ang kaniyang pamilya matapos ang 2024 Paris Olympics.

Hindi rin nakaligtas mula sa mga netizens ang isa pang shared post ni Andrew tungkol naman kay Olympic bronze medalist Nesthy Petecio na may caption na, “idol Nesthy Alcayde Petecio.” Kasunod ito ng pahayag ni Nesthy kung paano niya gagamitin ang mga pabuyang natanggap para sa pamilya.

KAUGNAY NA BALITA: Pag-idol ng tatay ni Carlos Yulo kay Nesthy Petecio, inintriga; parinig sa anak?

Sa ilang panayam noon ng media kay Caloy, mapapansing tanging ang tatay niya lang ang palagi niyang nababanggit at pinasasalamatan. Bagama’t hindi nalinaw kung may samaan nga rin ng loob ang mag-ama, maraming netizens tuloy ang nakisimpatya sa ama ni Caloy.

“I-tag niyo na po si Caloy baka sakaling matauhan”

“Ang swerte ni Caloy kumpleto pa magulang niya kaso ang magulang di suwerte kay Calo walang utang na loob na anak, nakakadismaya”

“Suwerte po ang mga anak po ninyo sa inyo ni Mam Angge, kasi maganda po ang naging pagpapalaki nyo po sa knila. Kaya nakakaparoud po kayo”

“Tama po”

“So true, pero pag malaki na yung ibang anak wala ng galang sa parent nila”

“Bawi na lang po kayo sa dalawa niyong anak tatay, may awa ang Diyos mababait yung dalawa mo pang mga anak..”

Samantala, nauna na ring nagtrending noon ang larawan ng mag-ama kung saan pinagpiyestahan din ng mga netizens na tanging saludo lamang daw ang ibinigay ni Caloy matapos makipagsiksikan ni Andrew sa homecoming parade ng Pinoy Olympians.

Nananatiling walang komento o reaksiyon ang ama ni Caloy tungkol sa mga intrigang idinidikit sa mga shared posts niya na tungkol umano sa pagpaparinig sa anak.

Kate Garcia