December 27, 2024

Home BALITA Probinsya

Baguio-based Japanese language center, isinara ng DMW

Baguio-based Japanese language center, isinara ng DMW

Isinara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang Japanese language training center sa Baguio City nitong Biyernes matapos na matuklasang nag-aalok ng trabaho sa Japan nang walang kaukulang lisensiya mula sa pamahalaan.

Mismong sina DMW Undersecretary Bernard Olalia at Assistant Secretary Francis Ron de Guzman, kasama ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ng DMW, sa koordinasyon ng Baguio City Police, ang nanguna sa pagpapasara sa tanggapan ng Institute of Building Foreign Language Inc. (IBFL) na matatagpuan sa 11 M. Ponce St., First Road, Quezon Hill Proper, Baguio City.

“The IBFL is neither licensed and authorized by the DMW to recruit and place Filipino workers nor does have any approved job orders to Japan. Ito ay malinaw na illegal recruitment ng ating mga kababayan na nais magtrabaho sa Japan,” ayon kay Olalia.

Batay sa surveillance operations na isinagawa ng MWPB, lumitaw na ang IBFL ay iligal na nagre-recruit ng kanilang Japanese language graduates bilang magsasaka, caregivers, factory workers, at food processing workers sa Japan na may sahod na mula P80,000 hanggang P100,000.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Ang closure operation ng IBFL ay nag-ugat sa reklamo na inihain ng isang job applicant sa MWPB. 

Ang complainant ay isa sa mga graduates ng IBFL na ni-recruit upang magtrabaho sa Japan at nagbayad ng mahigit P57,000 para sa kanyang plane ticket, service fee, at visa processing.

Sa kanyang panig, nagpahayag naman si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ng buong suporta upang labanan ang illegal recruitment at agarang ipinag-utos ang kanselasyon ng business permit at lisensiya ng IBFL.

Isasama naman umano ng DMW ang mga pangalan ng mga opisyal at empleyado ng IBFL sa kanilang 'List of Persons and Establishments with Derogatory Record' upang hindi na makalahok pa sa overseas recruitment program ng pamahalaan.

Sasampahan din umano sila ng DMW ng kasong syndicated illegal recruitment.

Hinikayat pa ng DMW ang iba pang aplikante na nabiktima ng ilegal na aktibidad ng IBFL na kumontak sa MWPB na maghain ng kaso.

Anito, "MWPB may be contacted through their Facebook page at https://www.facebook.com/dmwairtip and through their email at [email protected]."