Naniniwala si Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas na "insulto" sa mga manggagawang Pilipino sa National Capital Region (NCR) ang umentong ₱35 sa suweldo, at hindi umano sapat upang matugunan ang mga pangangailangan sa kasalukuyan.
"This ₱35 increase is an insult to Filipino workers. It's barely different from the ₱25 wage hike implemented way back in 1989, and lower than the ₱40 hike granted last year,” ani Brosas, sa kaniyang inilabas na pahayag ngayong araw ng Lunes, Hulyo 1.
Hindi raw sapat ang minimum wage na ₱645 sa isang araw kumpara sa Family Living Wage na ₱1,200, at patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin sa pamilihan.
"Hampaslupa ang tingin ng gobyerno sa mga manggagawa," giit pa ng solon.
Kaya naman, isinusulong ni Brosas na maipasa na ang House Bill No. 7568 o kilala sa tawag na ₱750 across-the-board (ATB) wage hike bill. Sana raw ay mabanggit ito sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa Hulyo 22.