Binalikan ni Senador Risa Hontiverso ang natatanging pag-ibig sa kaniya ng tatay niya sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Linggo, Hunyo 16.

Sa naturang post ni Hontiveros, sinimulan niyang alalahanin ang mga classic na dad jokes ng tatay niya na bagama’t corny at ito lang ang nakakaintindi minsan ay nakakapagpatawa pa rin kapag naaalala.

“Bukod sa kanyang mga jokes, si tatay din ang hari ng pagkukumpuni at pagkukutinting sa bahay. Kaya niyang gawing rocket ship ang lumang kahon at magtayo ng treehouse na parang galing sa isang fairy tale. At kahit pa nga imposible, ginagawan niya ng paraan para maibigay ang kasiyahan ng kanyang mga anak,” kuwento ni Hontiveros.

“Pagdating sa road trips, si tatay ang ultimate navigator. Hindi siya naniniwala na kailangan ng app para makapunta sa isang lugar dahil lahat ng pasikot-sikot sa kalsada ay nasa utak na raw niya. Ang mga kanta naman niya sa byahe ay siguradong may halong classic rock at ’80s hits na magpapailing sa mga anak, pero sa huli, lahat ay magkakantahan at tatawa,” sulat niya.

Chel Diokno, ibinahagi limang bagay na itinuro ng ama niya

Dagdag pa ng senadora: “Hindi mawawala ang kanyang pagiging ultimate sports coach at cheerleader. Mula sa pagbibisikleta hanggang sa pagtuturo ng tamang paghagis ng bola, ang kanyang mga tips at pagpupush ay magpapatibay sa loob natin para sumubok at wag matakot na magkamali. At kapag nga natalo sa laro, may mga kwento siyang ‘Noong panahon ko…’ na magpapatawa sa atin.”

Gayunman, sa kabila umano ng mga tawanan at kalokohan, ang ama ay laging nandiyan.Handang dumamay at tumulong anomang oras. Na bagama’t hindi laging masalita ay ramdaman naman ang sakripisyo at pagmamahal sa pamamagitan ng pagsisikap na maibigay na maibigay ang maginhawang buhay sa mga anak. 

Kaya naman ngayong Father’s Day ay hinimok ni Hontiveros na bigyan ng espesyal na oras ang mga ama at pasalamatan sa kanilang gabay at pagmamahal.

“Sila ang tunay na superheroes na laging handa sa anumang hamon. Mapagbiro man sila, hindi biro ang kanilang pag-aalaga sa pamilya,” pahabol pa ng senadora.

Samantala, ibinahagi naman ni human rights lawyer Atty. Chel Diokno ang limang bagay na naituro umano sa kaniya ng namayapa niyang ama na si dating Senador Jose Diokno.