Inanunsiyo ng Toll Regulatory Board (TRB) na simula sa Martes, Hunyo 4, ay nakatakda nang magpatupad ng toll fee increase ang North Luzon Expressway (NLEX).

Sa isang abiso nitong Martes ng gabi, kinumpirma ng TRB na inaprubahan na nila ang implementasyon ng ikalawa at huling tranche ng provisionally approved toll rate adjustments para sa consolidated 2018 at 2020 petitions ng NLEX Corporation matapos na makatalima ito sa mga kinakailangang publication at surety bond requirements.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Noong Mayo 14, 2024, pinadalhan ng TRB ng Notice to Start Collection (NTSC) ang NLEX upang bigyan ito ng awtorisasyon na mangolekta na ng bagong adjusted toll rates.

Mayo 22, 2024 naman nang magpadala ng liham ang NLEX Corp. sa TRB at nagpaabisong sisimulan na nila ang koleksiyon ng bagong toll rates.

Alinsunod sa bagong adjusted toll rates, ang mga toll expressway users ay kinakailangang magbayad ng karagdagang toll fees sa NLEX simula sa Hunyo 4.

Nabatid na sa Open System (Balintawak/Caloocan/Mindanao Ave. To North of Marilao), ₱5.00 ang ipapataw na dagdag sa toll fee para sa Class 1 vehicles; ₱14.00 para sa Class 2 at ₱17.00 naman para sa Class 3.

Sa Closed System (Per/Km Rate) (North of Marilao to Sta. Ines & Subic-Tipo), ipapataw ang ₱21.00 toll increase para sa Class 1 vehicles; ₱54.00 para sa Class 2 at ₱65.00 para sa Class 3, sa North of Marilao to Sta. Ines; habang ₱2.00 naman ang dagdag toll fee para sa Class 1; ₱7.00 para sa Class 2 at ₱8.00 para sa Class 3, sa Subic-Tipo (Segment 7).

Sa End to End System naman o yaong Balintawak/C3/Mindanao Ave. to Sta. Ines, ang additional toll fees naman ay ₱27.00 para sa Class 1 vehicles; ₱68.00 para sa Class 2 at ₱81.00 para sa Class 3 vehicles.