May mensahe si Education Secretary at Vice President Sara Duterte para sa lahat ng manggagawang Pilipino ngayong Labor Day.
“Saludo kami sa hindi matatawarang sipag at dedikasyon ninyo. Ang bawat araw ninyong pagsusumikap ay aming gabay tungo sa landas ng pag-unlad ng ating bayan,” saad ni Duterte sa isang pahayag nitong Miyerkules, Mayo 1.
Itinuturing din ng Bise Presidente na bayani sa makabagong panahon ang mga manggagawang Pilipino.
“Sa bawat OFW, medical at security frontliner, community workers, mga guro, at sa lahat ng nagtatrabaho sa ating pampubliko at pribadong sektor ng lipunan, ang inyong kontribusyon ay aming kinikilala at pinahahalagahan. Kayo ang itinuturing na tunay na bayani sa makabagong panahon. Nawa’y ipagpatuloy natin ang pagtahak sa isang maunlad na kinabukasan,” pahayag niya.
“Sa pagpupugay na ito, isang panalangin ang aming isinasamo – ang inyong patuloy na pag-unlad at tagumpay.
“Sama-sama tayo sa paglakbay tungo sa isang matatag at maunlad na Pilipinas, laging may malasakit at pagmamahal sa Pilipino.”
Tuwing Mayo 1, ipinagdiriwang ang Labor Day o Araw ng Manggagawa.