Bawat araw mas sumasaya
Magmula nang nakita ka
Nawawalan ng pangangamba
‘Pag ika’y kapiling na
Pamilyar ka ba sa lyrics? May nilikha bang tunog ang bawat titik sa isip mo kaya bigla mong kinanta? Kung oo, walang duda na isa ka rin sa mga nagkaroon ng Last Song Syndrome na dulot ng kantang “Pantropiko” ng namamayagpag ngayong P-pop girl group na BINI.
Bago ang kanilang opisyal na debut noong Enero 2021, mahaba at puspusang pagsasanay muna ang pinagdaaan ng mga miyembro ng BINI sa Star Hunt Academy. Mula sa pagpapahusay ng kanilang talento hanggang sa mahigpit na disiplina sa pagda-diet.
Nagbunga naman ang lahat ng hirap at sakripisyong ito dahil lumago ang bilang ng kanilang mga tagasuporta—na kung tawagin ay Bloom—matapos ang mga paglulunsad ng kanilang mga orihinal na kantang tulad ng “Da Coconut Nut,” “Born To Win,” “Na Na Na,” “Pantropiko,” at “Salamin, Salamin.”
Sa katunayan, ayon sa ulat nitong Martes, Abril 23, may 3.26 milyong daily streams ang BINI sa Spotify. Bukod pa rito ang sold-out nilang mga ticket para sa kanilang kauna-unahang major concert na “Biniverse” na gaganapin sa darating na Hunyo 28, 29, at 30.
Pero sa likod ng mga tagumpay na ito, kilalanin natin ang mga magaganda at mahuhusay na binibini ng BINI.
- BINI Maloi
Si Mary Loi Yves Ricalde—o mas kilala bilang Maloi—ang main vocalist ng BINI. Isang KDrama enthusiast. Hindi lang niya kasi ito libangan. Kuhaan din niya ito ng inspirasyon.
Si Maloi ang ikatlo sa pinakamatandang miyembro ng girl group. Ipinanganak siya noong May 27, 2002. Kaya naman, hindi nakapagtataka ang katangian niya bilang isang ulirang ate. Dahil sa isang episode ng “Magandang Buhay,” ibinahagi niya ang tungkol sa pagpapaaral niya sa kaniyang mga kapatid.
“I’m so grateful po kasi po ‘yong ate ko po nakapagtapos na siya ng pag-aaral. And ngayon nagtatrabaho na po siya. And ngayon po tinutulungan ko po ang parents ko para makapagtapos na po ng pag-aaral ‘yong younger sister ko pa and younger brother,” aniya.
- BINI Gwen
Si Gweneth Apuli—o mas kilala bilang Gwen—ang nagsisilbing lead rapper at lead vocalist ng BINI. Paborito niya ang maaanghang na pagkain. Pati ang pepperoni pizza at ice cream. Bukod dito, nakahiligan din niya ang pangongolekta ng heels at pagme-makeup.
Bagama’t pinakabunso sa kanilang limang magkakapatid, nagawa ni Gwen na makapag-invest ng bahay at lupa sa murang edad hindi lamang para sa sarili kundi pati sa kaniyang pamilya.
“Nagwo-worry po ako ‘pag may bagyo. Lalo na po ‘di ba doon sa Bicol gano’n? Madalas maulan. So, ‘yon po. Pina-renovate ko po ‘yong bahay namin. And then no’ng medyo okay-okay na po siya [...] nag-invest naman po ako for myself naman po. Bumili po ako ng lupa po,” aniya.
- BINI Aiah
Si Maraiah Queen Arceta—o mas kilala bilang Aiah—ang tumatayong lead rapper, visual, at sub-vocalist ng BINI. Ipinanganak siya noong Enero 27, 2001. Ibig sabihin, siya ang pinakamatandang miyembro sa grupo.
Bukod siyempre sa kaniyang talento sa pagsayaw at pagkanta, natagpuan din ni Aiah ang kaniyang interes sa paglalangoy at pagpipinta.
Samantala, sa isang episode ng “Magandang Buhay,” proud niyang ibinahaging hindi na raw siya dumedepende sa kaniyang mga magulang simula noong maging bahagi siya ng BINI.
“Hindi na po ako humihingi ng pera po sa family ko. Ako po nagbibigay ‘pag may kailangan po sila. And if may mga needs din po ako so I pay for my own na rin po,” aniya.
Bukod pa rito, nabigyan din si Aiah ng scholarship program kaya libre siyang nakapag-aaral sa kolehiyo nang walang ginagastos ang mga magulang.
- BINI Jhoanna
Si Jhoanna Christine Robles—o mas kilala bilang Jhoanna—ang tumatayong leader ng BINI. Hindi ito nakapagtataka dahil bago pa man siya maging bahagi ng naturang P-Pop girl group, isa siyang school officer. Isinilang siya noong Enero 26, 2004 at nag-iisang anak ng kaniyang mga magulang.
Sa isang episode ng “Magandang Buhay,” ikinuwento ni Jhoanna ang tungkol sa na-invest niyang condominum unit.
“Ang sarap lang din po sa puso na at the age of 18 po may napupuntahan na po ‘yong perang naiipon po namin,” aniya.
Samantala, matatandaang kamakailan lang ay sumalang si Jhoanna bilang star patroller sa TV Patrol na matagal na umano niyang pinapangarap.
- BINI Mikha
Si Mikhaela Janna Lim—o mas kilala bilang Mikha—ang lead dancer, main rapper, at visual ng BINI. Ipinanganak siya sa Cebu noong Nobyembre 8, 2003.
Isang sport enthusiast si Mikha na mahilig matulog at magbabad sa mga KDrama at anime sa kaniyang libreng oras. Bukod dito, may dalawang taon siyang karanasan sa cheerdancing. Kaya naman, naging madali na para sa kaniya na ang sumayaw.
“No’ng nag-cheer po ako, mas nag-develop ‘yong flexibility ko. And when we dance, we need to flexible din para magawa namin ang certain steps,” aniya.
- BINI Sheena
Si Sheena Mae Catacutan—o mas kilala bilang Sheena—ang main dancer at sub-vocalist sa BINI. Siya rin ang pinakabata sa grupo. Ipinanganak siya noong Mayo 9, 2004.
Pero bago pa man mapabilang sa BINI, may background na si Sheena sa pagsayaw. Dati kasi siyang miyembro ng isang dance group na halos puro lalaki ang miyembro.
At dahil sa kaniyang nakamit na tagumpay, inaako na ni Sheena ang buwanang gastos ng kaniyang pamilya mula bayarin sa bahay hanggang hospital bills.
“Inisip ko po kasi na it’s about time na wala na silang isipin, ako na lang,” aniya.
- BINI Colet
Si Nicolette Vergara—o mas kilala bilang Colet—ang main vocalist, lead rapper, at lead dancer ng BINI. Isinilang siya noong Setyembre 14, 2001. At dahil mula sa pamilya ng mga musikero, tila likas sa kaniya ang talento sa musika.
Pero bukod sa sining ng pagkanta, inilulubog din umano ni Colet ang sarili sa pagbabasa ng iba’t ibang libro.
Samantala, gaya ng mga nauna niyang miyembro, nakapagpundar din si Colet mula sa kaniyang mga kinita bilang bahagi ng BINI. Sa isang episode ng “Magandang Buhay,” ibinahagi niya na nakapag-franchise na raw siya ng food business sa Bohol.
“Egg Cloud po ang tawag [sa food business]. Sandwich po, more on Korean sandwich po siya,” aniya.
- BINI Stacey
Si Stacey Aubrey Sevilleja—o mas kilala bilang Stacey—ang main rapper, sub-vocalist, at lead dancer ng BINI. Isinilang siya noong Hulyo 13, 2003. At gaya nina Gwen at Maloi, siya ay majorette din sa kaniyang school.
Pero nabu-bully umano si Stacey dahil sa sakniyang pagiging mother majorette na mula pagkabata ay pangarap na raw niya talaga.
“Baguhan po kasi ako noon. So, parang hindi pa po dapat ako mapipiling mother kasi baguhan po. So, sabi po ng coach namin noon, ako na lang daw po ang mag-mother majorette since matangad po ako no’ng elementary. Na-bully po ako kasi nag-aagawan po kami sa role na ‘yon,” kuwento ni Stacey.
Ang tagumpay ng BINI sa kasalukuyan ay isang buhay na patunay sa pwedeng ibunga ng magkahalong tiyaga at pagsisikap. Dahil ang buhay, sabi nga nila sa isang kanta, “hindi naman ito karera. Pwedeng magdahan-dahan.”
At saan man sila makarating, anoman ang kanilang mga pagsubok pang haharapin, matupad sana nila ang kanilang pangako sa isa’t isa na “walo hanggang dulo.”