“It’s complicated”

Ito lamang ang nasagot ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. nang tanungin siya tungkol sa estado ng relasyon nila ng Pamilya Duterte.

Nangyari ang pahayag na ito sa naganap na Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) forum nitong Lunes, Abril 15.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, ‘di raw tungkuling mag-sorry sa Martial Law atrocities

Matatandaang sunod-sunod ang tirada ng pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Marcos Jr. dahil sa isinusulong na Charter Change o Cha-Cha at sa katayuan nito hinggil sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Katunayan nito lamang Abril 14, nagsagawa ng “Defend the Flag Peace Rally” ang mga supporter at kaalyado ni Duterte kung saan nagpahayag ang dating pangulo tungkol sa isinusulong na Cha-Cha at sa isyu ng WPS.

Nagbigay-mensahe rin si Duterte sa naturang rally kay Marcos na makontento na ito sa anim na taong pamumuno at huwag nang isulong ang Cha-Cha.

“Mr. President, be happy and finish your term for 6 years, makontento ka na diyan at binigyan ka ng panahon ng Panginoong Diyos makapagsilbi sa ating bayan as president despite or in spite of the fact ng history ninyo pagbaba ng tatay mo, hindi maganda. And yet, ang Pilipino binigyan kayo ng pagkakaintindi, gipasaylo mo,” aniya.