Isang malawakang transport strike ang ikinakasa ng transport groups na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Manibela sa susunod na linggo.

Ito'y bunsod na rin ng pagtatapos ng Abril 30 deadline sa konsolidasyon ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators, na siyang unang bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng pamahalaan.

Ayon sa mga naturang transport groups, ang transport strike ay isasagawa nila sa Lunes, Abril 15, at Martes, Abril 16.

Sa isang panayam sa telebisyon nitong Huwebes, sinabi ni PISTON national president Mody Floranda na mahigpit ang kanilang pagtutol sa naturang PUV consolidation.

"Ang nilalabanan po namin ay 'yung franchising consolidation, hindi po 'yung modernization. Malinaw ang ating posisyon sa ilalim ng modernization ay dapat sa ilalim ng rehabilitation," paliwanag pa niya.

Kinukwestiyon din ni Floranda ang pagbawi sa kanilang prangkisa para ibigay umano sa malalaking korporasyon.

Aniya, “Ang sinasabi nila sa ilalim ng modernization, ang gusto lang nilang ayusin ay yung ating mga sasakyan pero bakit kailangan nilang bawiin o kumpiskahin yung ating mga lehitimong prangkisa para pahawak sa malalaking corporation yung ating franchise."

Matatandaang una nang nanindigan si Pang. Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. na hindi na palalawigin pa ang April 30 deadline para sa consolidation.

Taong 2017 pa nang simulang isulong ng pamahalaan ang PUVMP na ang layunin ay palitan ang mga kasalukuyang jeepneys na hindi na road worthy, ng mga sasakyang mayroong Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon.