Hinahamon ni Senador Risa Hontiveros si Pastor Apollo Quiboloy na magpakita na sa Senado kaugnay sa mga kasong kinahaharap umano nito.
Sa inilabas na audio clip ng Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Sabado, Abril 6, iginiit ni Quiboloy na pinoprotektahan lang umano niya ang kaniyang sarili kung kaya’t hindi pa rin siya humaharap sa Senado.
“Ako po ay hindi nagtatago sa kasong ito dahil ako po ay may kasalanan. Hindi po. Ako ay umiiwas dahil pinoprotektahan ko ang aking sarili,” lahad ni Quiboloy.
Maki-Balita: Quiboloy, nilinaw na ‘di nagtatago: ‘Pinoprotektahan ko ang aking sarili’
Sa parehong audio clip nagpahayag din si Quiboloy ng kondisyon bago siya sumuko.
Aniya, kailangan daw ay may kasulatan mula kina Pangulong Bongbong Marcos Jr., Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil at National Bureau of Investigation (NBI) director Medardo de Lemos na nagsasabing hindi makikialam ang US government.
“If you fail to give in written form these conditions from the Office of the President, Office of the Secretary of Justice, PNP, NBI and CIDG, you will never see my face," anang pastor.
Matatandaang wanted sa US mula pa noong 2021 si Quiboloy nang patawan umano siya ng kaso ng California court na nauugnay sa “sex trafficking by force, fraud, and coercion, sex trafficking of children, marriage fraud, fraud and misuse of visas, bulk cash smuggling, promotional money laundering, concealment money laundering, and international promotional money laundering.”
Sa Pilipinas, naglabas na ng kautusan si Judge Dante A. Baguio ng Davao City Regional Trial Court (RTC) Branch 12 para sa pag-aresto kay Quiboloy na kinasuhan ng paglabag sa Sections 10(a) and 5(b) of Republic Act (RA) No. 7610, the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, sa di-umano'y sekswal na pang-aabusong ginawa niya noong 2011 laban sa isang babae na noon ay 17 taong gulang.
Samantala, naglabas ng pahayag si Hontiveros kaugnay sa audio clip.
“Pastor Quiboloy, lumabas ka na sa lungga mo. Tutal nagpapa interview ka na rin sa mga vlogger, aba, magpainterview ka na rin sa amin sa Senado. Hindi naman naitago ng mga audio file na yan ang takot mo matapos umalingasaw ang katotohanan,” ani Hontiveros nitong Lunes, Abril 8.
“Wala kang katiting na ebidensya laban sa aming mga matatapang na witnesses. At wala kang karapatang siraan ang institusyon ng Senado at ang mandato nito.
“Kung totoong matapang ka, ulitin mo lahat ng sinabi mo tungkol sa Senado, dito sa Senado. Make your words of record. Record your shameless audacity in history,” pahayag pa ng senadora.
Patutsada pa ni Hontiveros dapat daw patunayan ni Quiboloy na “bastos” pa rin ito magsalita kapag nakaharap sila nito sa Senado.
“Patunayan mong ganyan pa rin kabastos ang mga salita mo kapag kaharap mo na kaming mga Senador. Hindi ka namin uurungan.”
Itutuloy rin daw nila ang hearing ng Committee on Women kahit wala raw ito.
Matatandaan ding matapos siyang padalhan ng subpoena ng Senado, naglabas ng "17 kautusan" si Quiboloy na kailangan daw masunod para dumalo na siya sa pagdinig ng Senate committee at sagutin ang mga alegasyon ng pang-aabusong ibinabato sa kaniya.