Magandang balita dahil magkakaloob ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng isang linggong libreng sakay para sa mga beterano.

Ito ay bilang pakikiisa ng linya sa pagdiriwang ng ika-82 Araw ng Kagitingan at Philippine Veterans’ Week.

Sa abiso ng MRT-3 nitong Miyerkules, nabatid na ipagkakaloob ang libreng sakay para sa mga beterano mula Abril 5 hanggang 11.

Bukod naman sa mga beterano, inaasahang makikinabang rin sa naturang libreng sakay ang kanilang mga companion o mga kasama.

“Maghahandog ang MRT-3 ng ISANG LINGGONG LIBRENG SAKAY para sa mga beterano at isa nilang companion o kasama sa darating na Abril 5-11,” abiso ng MRT-3.

Upang mai-avail ang libreng sakay, kinakailangan lamang umano ng mga beterano na magpakita balidong Identification Card mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa security personnel ng mga istasyon.

“Kinikilala po ng MRT-3 ang mahalagang kontribusyon sa ating lipunan ng lahat ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya naman po bilang tugon sa kahilingan ng Department of National Defense, nais natin pagpugayan at pasalamatan ang ating mga beterano kahit sa simpleng paraan lamang. Ito po ay ang paghahandog ng libreng sakay sa loob ng isang linggo para sa kanila at isa nilang companion,” saad ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.

Aniya pa, “Libreng makakasakay ang mga beterano at kanilang kasama sa buong oras ng operasyon ng MRT-3 sa nabanggit na mga araw.”

Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, mula North Avenue sa Quezon City hanggang sa Taft Avenue sa Pasay City.