Tepok ang isang truck driver nang mabangga ng isang dump truck habang nagkukumpuni ng kanyang nasirang trailer truck sa Tondo, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.

Kaagad na binawian ng buhay ang biktima, na inaalam pa ang identidad, at inilarawan lamang na nasa edad 29-35-anyos, may taas na hanggang 5'6," katamtaman ang laki ng pangangatawan, nakasuot ng puting t-shirt at itim na pantalon.

Samantala, sugatan naman at nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang suspek na si Joseph Amansek, 54, driver ng dump truck na may plate number NGR-1947 at ang kanyang helper na si Ruel Fernandez.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Batay sa inisyal na pagsisiyasatni PCpl Genesis Flagne, ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang aksidente dakong alas-2:50 ng madaling araw sa northbound lane ng Mel Lopez Blvd., malapit sa kanto ng JV Paz St., sa Tondo.

Nauna rito, nagkaroon umano ng mechanical failure ang trailer truck na minamaneho ng biktima, sanhi upang tumirik ito sa gilid ng kalsada sa JV Paz St..

Bumaba ang driver nito at tinangkang ayusin ang nasirang sasakyan.

Gayunman, habang nagkukumpuni ang biktima sa kanang likurang bahagi ng truck ay bigla na lang itong binangga ng dump truck, na minamaneho ng suspek.

Sinasabing hindi kaagad nakita ng suspek na nakatigil pala ang dump truck sanhi upang mabangga ito.

Sa tindi ng impact nang pagkakabangga ay tumilapon pa umano ang biktima na nagresulta sa malubha nitong pagkasugat at kalaunan ay kamatayan.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damage to property ang kakaharapin ng suspek sa piskalya.