Sumabat si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa naging patutsada sa kaniya ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro tungkol sa ilang metrong naging pagtakbo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kasi sa isinagawang press briefing ni Castro nitong Miyerkules, Abril 15, 2026, sinabi niyang mas mabuti pa raw ang pagtakbo ng ilang metro kaysa naman ang tumakbo sa kamay ng batas.
“Ang pagtakbo po ay hindi masama. Mas maganda po na tumakbo ng ilang metro kaysa tumakbo sa kamay ng batas,” patutsada niya.
Nagawa ring ungkatin ni Castro ang ginawa noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nagpakita sa publiko sa loob ng ilang linggo ngunit tila dinepensahan naman ito nina Roque at dating Presidential Spokesperson Ernesto Abella noon.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kaysa tumakbo sa kamay ng batas!' Usec. Castro, dinepensahan si PBBM kay Roque
Matapos nito, agad namang naglabas ng pahayag si Roque sa kaniyang Facebook post nito ring Miyerkules at sinabi niyang may obligasyon daw na ipaalam ni PBBM sa publiko ang tunay niyang kalagayan sa kalusugan, lalo na kung seryoso ito.
Giit ni Roque, tigilan na raw ni Castro na ihambing si FPRRD dahil minahal daw ng marami ang huli dulot ng diretsahang pagsasalita at malinaw na pagpapakita nito ng “transparency” sa publiko.
Buwelta ni Roque, taliwas daw ito sa bagsak na tiwala at approval rating ni PBBM dahil malinaw daw sa marami ang nasa likod ng katiwalian sa bansa.
“Sa kabilang banda, bakit bagsak ang tiwala at approval rating ni Marcos? Dahil malinaw sa marami kung sino ang tunay na utak sa likod ng katiwalian,” patutsada niya.
Diin pa niya, “Kahit sino pang magtanggol, hindi mabubura ang reputasyon na siya ang arkitekto ng pandarambong sa gobyerno—at ang pagiging tapat ay halatang hindi niya katangian.”
Tahasang alegasyon ni Roque, sinungaling at magnanakaw daw ang Pangulo.
“Sabi nga sa kasabihan, ‘ang sinungaling kapatid ng magnanakaw.’ Pero sa kaso ni Marcos, hindi na kapatid—iisa na. Sinungaling na, magnanakaw pa…” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag, tugon, o reaksyon si Castro o maging si PBBM kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM napa-jumping jack, hinamon mga bumabatikos sa kalusugan niya!