May 22, 2026

Home BALITA National

'Kaysa tumakbo sa kamay ng batas!' Usec. Castro, dinepensahan si PBBM kay Roque

'Kaysa tumakbo sa kamay ng batas!' Usec. Castro, dinepensahan si PBBM kay Roque
Photo courtesy: RTVM, Atty. Harry Roque (FB)

Pinahagingan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na mas ayos pa raw ang ginawang pagtakbo ng ilang metro ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaysa tumakbo sa kamay ng batas. 

Kaugnay ito sa ginawang “pagtakbo” ni PBBM sa labas ng Palasyo noong Lunes, Abril 13, 2026, habang sinusundan siya ng mga mamamahayag, bilang sagot sa mga alegasyon tungkol sa umano’y malala niyang kalusugan. 

Dahil dito, pinatutsadahan ni Roque ang Pangulo at sinabi niyang mas mabuti pa raw na maglabas ng medical bulletin si PBBM kaysa tumakbo ng ilang metro. 

“Mas mabuting mag-release ng medical bulletin kaysa patakbo-takbo ng ilang metro,” buwelta ni Roque. 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM napa-jumping jack, hinamon mga bumabatikos sa kalusugan niya!

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Ayon naman sa naging tugon at pahayag ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Miyerkules, Abril 15, sinabi niyang gusto lamang daw ipakita ni PBBM sa mga nagmamahal sa kaniya na mabuti ang kaniyang kalagayan. 

“Para po sa Pangulo, gusto lamang niyang ipakita sa mga nagmamahal sa kaniya at sa taumbayan kung ano ba talaga ang kaniyang health condition,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Ito po ay para maisantabi ang mga kasinungalingan na ngayon ay nagsi-circulate laban sa kaniya.” 

Patutsada ni Castro, mas mabuti pa raw ang pagtakbo ng ilang metro kaysa naman ang tumakbo sa kamay ng batas. 

“Ang pagtakbo po ay hindi masama. Mas maganda po na tumakbo ng ilang metro kaysa tumakbo sa kamay ng batas,” aniya. 

Inungkat ni Castro ang ginawa noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nagpakita sa publiko sa loob ng ilang linggo ngunit tila dinepensahan naman ito nina Roque at dating Presidential Spokesperson Ernesto Abella noon. 

“At tandaan po natin, kahit naman po noong nakaraang Pangulo, ilang linggo siyang nawawala pero ano ang sinabi ng kaniyang mga alipores at alagad? Ito po, nandiyan po si dating Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang sabi, ‘As far as I can see, there’s really no need to do that,’ release Duterte’s health records,” saad niya. 

“Kahit na po itong si Harry Roque, ang sinabi po niya, ‘I don’t think the people should worry about lack of transparency because the President himself will say what his condition is,’” diin pa niya. 

Pagpapatuloy ni Castro, ang publiko na raw ang maghusga batay sa ipinakita ng Pangulo laban sa mga paninirang nanggagaling lang daw sa mga kampong nagnanais pabagsakin ang huli at mga walang magawa sa buhay. 

“So, nakita na po natin kung ano ang kondisyon ng Pangulo. Kayo po mismo ang saksi sa ganitong mga paninira nanggaling lamang sa kampo ng nais na pabagsakin ang Pangulo, sila po ay mapanira lamang at walang magawa sa buhay,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'NBI, dapat na imbestigahan death threats sa Pangulo'—Usec. Castro