Maaaring asahan ng mga motorista at mamimili ang panibagong bawas-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa mga opisyal ng Department of Energy (DOE) nitong Miyerkules, Abril 15, 2026.
Batay sa monitoring ng DOE, ang galaw ng presyo ay nakabase sa Mean of Platts Singapore (MOPS) sa nakalipas na dalawang araw, kung saan patuloy ang pagbaba ng presyo.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau (OIMB) Assistant Director Rodela Romero Sales, nananatiling pababa ang trend ng MOPS sa kabila ng tensyon sa Gitnang Silangan.
“As of today, prices over the past two days have continued to decline. Even with the pronouncement of President Donald Trump that they would station warships at the opening of the Strait of Hormuz, the market does not appear to be pricing that in, so MOPS has continued to go down,” aniya.
Dagdag pa niya, kung magpapatuloy ang ganitong galaw ng merkado, posible ang pagbaba pa rin ng presyo produktong petrolyo o panibagong rollback.
“If this market reaction continues, we could see more stable prices or even another rollback,” dagdag ni Sales.
Gayunman, nagbabala si Energy Secretary Sharon Garin na nananatiling pabagu-bago ang sitwasyon sa Middle East.
Ayon sa kaniya, kailangan pa ng DOE na bantayan ang galaw ng MOPS sa buong linggo upang makapagbigay ng mas eksaktong pagtataya.
“We need five days to monitor, but hopefully prices won’t go up,” ani Garin.
Noong Martes, Abril 14 nang ipinatupad ng mga oil company ang unang rollback mula nang sumiklab ang alitan sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran noong huling bahagi ng Pebrero.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Ang pinakahuling bawas-presyo ay kasunod ng pagpayag ni US President Donald Trump sa isang ceasefire sa Iran, na nakadepende sa pagsang-ayon ng Tehran na itigil ang blockade sa oil at gas shipments sa Strait of Hormuz.
Subalit noong weekend, sinabi ni Trump na agad na magpapatupad ng blockade ang US Navy sa nasabing strait matapos mabigo ang usapan sa Tehran na tapusin ang sigalot.