Isang babae ang inaresto nang ‘salisihan’ umano ang isang doktor at tangayan ng mga gadgets sa loob mismo ng surgery ward ng Ospital ng Maynila Medical Center sa Malate, Manila nitong Martes ng umaga.

Ang suspek na si Karell Labindao, 18, residente ng Upper Molave St., Tondo, Manila ay mahaharap sa kasong theft (salisi) sa piskalya bunsod ng reklamo ni Dr. John Carlo Lara, 27, surgery doctor ng Osma at residente ng Malate, Manila.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station 9, dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa surgery ward ng OsMa, na matatagpuan sa A. Mabini St., Malate.

Kasalukuyan umanong nasa surgery ward ng pagamutan ang doktor nang makita niyang kinuha ng suspek ang kanyang Iphone 14 at Ipad, na nagkakahalaga ng may P100,000 at nasa ibabaw ng mesa.

Kaagad na nagsisigaw ang biktima at humingi ng tulong habang kumaripas naman ng takbo ang suspek.

Mabilis namang tinugis ng mga security guard ng ospital ang suspek na naaresto habang papalabas ng main entrance ngunit bigo silang mabawi pa ang mga gadgets na ninakaw nito matapos na maipasa sa kanyang kasabwat, na nagawa namang makatakas.