Suportado raw ni Kapamilya sexy actress Ivana Alawi ang mga tsuper laban sa nakaambang jeepney phaseout.

Sa Facebook page kasi ng Panday Sining PUP nitong Martes, Pebrero 13, nakuhanan ng video si Ivana habang sakay sa pampasaherong dyip.

Kaya naman, nagkaroon ng pagkakataon ang mga lulan ng nasabing sasakyan para tanungin ang aktres kaugnay sa jeepney phaseout.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ano pong masasabi n’yo sa jeepney phaseout? Support po ba kayo?”

“Ako, support ako sa mga drivers, kaya nga tayo nandito [sa dyip] e,” sagot ni Ivana.

Natuwa naman ang tila mga estudyanteng nasa likod ng pagbibidyo sa isinagot ng aktres sa kanilang tanong.

“Tama! Mother!” sabay-sabay nilang sigaw.

Matatandaang 2017 pa nang simulan ng Department of Transportation ang public utility vehicle modernization program (PUVMP). 

Ngunit maraming jeepney drivers at operator ang hindi sang-ayon sa naturang programa dahil masyado raw masakit sa bulsa ang modern jeepneys na ilang milyon daw ang aabutin.

Kaya naman, kaliwa’t kanan ang isinagawang kilos-protesta ng nasabing sektor para hindi tuluyang ma-phase out ang mga traditional jeepney.

Dahil dito, mula Enero 31 ay na-extend ang jeepney consolidation hanggang katapusan ng Abril.