Naglabas ng reaksiyon ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) kaugnay sa ipinatupad na Catch-up Fridays na bahagi ng National Reading Program ng Department of Education (DepEd).

Sa inilabas na pahayag ng ACT nitong Lunes, Enero 15, tinuligsa nila ang pabigla-biglang pagbababa ng kagawaran ng memorandum nang walang maayos na oryentasyon at sapat na oras para makapaghanda ang kaguruan.

“Walang nagbago sa paura-uradang order ng DepEd. Catch-up Friday, pero kaming mga guro ang hindi maka-catch up sa dami ng gustong ipagawa ng kagawaran na wala man lang oryentasyon at sapat na panahon para magplano at maghanda. Inilabas ang memo January 10, at implementasyon agad nang January 12. Patunay ito na nakapako ang DepEd sa pagbababa ng mga direktiba na wala man lang konsultasyon sa mga guro at inapura pa ang abiso,” saad ni Vladimer Quetua, Chairperson ng ACT.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Taranta ang inabot ng mga guro sa Drop Everything and Read. Kanya-kanyang pili ng aklat para ipabasa, nadagdagan pa ng report at paperworks para sa MOV. Papaano natin mareresolba ang krisis sa pagkatuto kung panay na lamang madalian at dagdag-trabaho ang hakbang ng DepEd,” aniya.

Paglilinaw naman ni Quetua, nauunawaan umano niya ang kahalagahan ng pagbabasa sapagkat isa ito sa mga pangunahing kasanayan na dapat taglayin ng mga bata. Pero iginiit niya na ang unang dapat gawin ay tasahin muna ang lalim at lawak ng learning crisis upang matukoy saan magsisimula at anong akmang programa ang dapat na ilapat sa buong bansa.

Binigyang-diin rin ng ACT na malaking bahagi sa paglutas ng learning crisis ang paglalaan ng sapat na pondo sa edukasyon upang mapunan ang mga kakulangan sa sektor na ito pagdating sa silid-aralan, guro, kagamitang panturo at pagkatuto, at mga support personnel.

Dagdag pa rito ang pangangailangang mabawasan ng administratibong gawain ang mga guro upang higit na mapagtuunan ang pagtuturo sa kanilang mga estudyante.

“Para sa lapat at epektibong programa para sa learning recovery, ang DEAR ng mga guro, DepEd, assess and recalibrate. Isaalang-alang din dapat ang partisipasyon ng mga guro sa pagbubuo ng anumang programa o interbensyon sa pagkatuto, at hindi malilimitahan na lamang sa paglulunsad ng anumang ibabang direktiba ng kagawaran,” pahabol ni Quetua.

Matatandaang nagsimulang ipatupad ang Catch-up Fridays noong Enero 12 na idinisenyo upang matamo ng mga estudyante ang mga mahahalagang kasanayan gaya ng kritikal at analitikal na pag-iisip.