Kasado na ang imbestigasyon ng isang komite ng Kamara kaugnay sa alegasyong nagkaroon umano ng katiwalian sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.

Ito ang kinumpirma ni Antipolo City (2nd District) Rep. Romeo Acop bilang tugon sa kahilingan ni Speaker Martin Romualdez na silipin ang nasabing usapin.

Sinabi ni Acop, chairman ng House Committee on Transportation, kinukumbinsi na niya ang mga kasamahang kongresista upang simulan ang pagsisiyasat sa Enero 10.

Aalamin ng mga kongresista kung nagkaroon ng katiwalian sa naturang programang ilang beses nang tinutulan ng mga transport group dahil sa mataas na presyo ng bawat unit ng modernong jeepney.

National

‘Julian,’ itinaas na sa ‘typhoon’ category

“We cannot allow corruption to take root in the implementation of the modernization program. If we are to proceed with the modernization of our PUVs, we must make sure there is not even a whiff of irregularity,” lahad ni Acop.

Kahit aniya walang resolusyon o privilege speech na nananawagan ng imbestigasyon, maaari pa rin nilang gawin ang hakbang alinsunod sa House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.

Matatandaang binanggit ni Romualdez ang napaulat na nagsabwatan umano ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan upang umangkat ng mga modernong jeepney, kapalit ng mga tradisyunal jeepney.