24 pang motorista, hinuli sa EDSA bus lane
Nasa 24 pang motorista ang hinuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)-Special Operations Group Strike Force matapos silang dumaan sa EDSA bus lane kamakailan.
Pinagmulta ng tig-₱5,000 ang mga naturang motorista sa unang paglabag sa patakaran.
Sinabi ng MMDA, lalo pa nilang hinigpitan ang operasyon laban sa mga walang disiplinang motorista upang mabigyan ng leksyon.
Nilinaw din ng ahensya na kabilang lamang sa mga pinapayagang dumaan sa EDSA bus lane ang mga pampasaherong bus na pinapayagang mag-operate sa EDSA busway route, ambulansya, fire truck, sasakyan ng Philippine National Police, at service vehicles para sa EDSA busway project (construction, security, janitorial, maintenance services).
Ang EDSA busway ay puwede ring gamitin ng Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Supreme Court Chief Justice.
Matatandaang sinabi ng MMDA na bumaba ang bilang ng mga lumalabag sa polisya dahil sa ipinatutupad na mataas na multa.