Shinare ng folk-pop band Ben&Ben na naapektuhan sila at naiyak matapos mapanood ang pelikulang “Rewind.”

Sa isang Facebook post nitong Martes, Disyembre 26, nagbahagi ang Ben&Ben ng kanilang group photo at poster ng “Rewind” na pinagbidahan ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera.

“Nung napanood namin yung #RewindMMFF, magang mga mata, pulang mga ilong at ubos na mga tissue kaming lahat paglabas,” anang banda sa naturang post.

Tinawag din ng Ben&Ben na “world-class” ang storytelling ng pelikula at marami raw silang natutunan na lessons sa buhay mula rito.

Official entry ng mga pelikula sa MMFF 2023, pinangalanan na

“Maliban sa grabeng tagos sa puso yung movie na ‘to, at ang husay ng acting ni Dingdong, Marian, at buong cast, ay isa rin ito sa pinakamahusay, malalim, at world-class storytelling na pelikulang napanood namin in recent times,” saad ng Ben&Ben.

“Ang dami naming natutunang mahalagang life lessons, at parang ginawang movie yung inspirasyon ng kantang ‘Sa Susunod Na Habang Buhay’. Congrats po sa lahat ng bumubuo ng pelikulang Rewind! A must-watch with your family or your loved ones,” dagdag nito.

Sa direksyon ni Mae Cruz-Alviar, kabilang ang “Rewind” sa mga pelikulang pinangalanan bilang kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival.

Nagsilbi naman ang awitin ng Ben&Ben na “Sa Susunod na Habang Buhay” bilang theme song ng pelikula.