Limang weather systems ang inaasahang magdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Disyembre 21, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang trough ng LPA (dating bagyong Kabayan) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), maging ang shear line o ang pagsasalubungan ng mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, at Kalayaan Islands.

Malaki rin ang tsansang makaranas na maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley, Ilocos Norte, at Ilocos Sur dahil naman sa amihan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Posible rin naman umanong magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa mga natitirang bahagi ng Ilocos Region.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, ayon sa PAGASA, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Posible rin naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.