Muling nagkansela ang University of the Philippines Diliman (UPD) ng face-to-face classes dahil sa malawakang tigil-pasada na isasagawa ng transport groups simula bukas ng Lunes, Disyembre 18, bilang pagprotesta sa hindi pagpapalawig ng pamahalaan sa deadline ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Matatandaang noong Disyembre 15 nang ideklara ng mga grupong Manibela at PISTON ang muling pagsasagawa ng tigil-pasada simula Disyembre 18 hanggang Disyembre 29, 2023.

Bago ito, nagsagawa na rin ang PISTON ng 2-day transport strike noong Disyembre 14 at 15, 2023.

Manibela, PISTON, nakahanda na sa transport strike sa Dec. 18-29

https://balita.net.ph/2023/12/11/piston-muling-magsasagawa-ng-transport-strike/

Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari raw umabot sa mahigit ₱2 milyon.

Kaugnay naman ng naturang isasagawang transport strike, inanunsyo ng UPD nitong Linggo, Disyembre 17, na palalawigin nito ang pagsasagawa ng online classes at work-from-home arrangements para sa natitirang working days ng 2023.

“In view of the continuation  of the transport strike, faculty, staff, and students are advised to refer to Memo No. ECLV-23-042 for class and work arrangements for the remaining working days of 2023,” pahayag ng UPD.

Nakasaad naman sa memo na kinakailangan pa ring mag-report onsite ang units na may “essential functions” sa unibersidad, tulad ng UP Health Service, UPD Police, Public Safety and Security Office, Special Services Brigade, at Campus Maintenance Office.