Inihayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nirerespeto niya ang desisyon ng korte na magpiyansa si dating Senador Leila de Lima, ngunit hindi raw siya naniniwalang walang basehan ang mga kasong isinampa laban sa dating senador.

Matatandaang pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 nitong Lunes, Nobyembre 13, ang motion for reconsideration para sa petisyon ng pagpiyansa ang dating senador sa halagang ₱300,000 ukol sa isa niyang natitirang drug case.

Sa isang panayam, sinabi ni Dela Rosa, nagsilbing Philippine National Police (PNP) chief nang sinisagawa ang war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nirerespeto raw niya ang desisyon ng Muntinlupa RTC judge na magpiyansa si De Lima sa natitira nitong isang drug case.

‘Makakalaya na!’ De Lima, pinayagang magpiyansa

Gayunpaman, hindi raw siya sang-ayon na walang basehan ang mga inihaing kaso laban sa dating senador.

“Hindi ibig sabihin porke nadi-dismiss ngayon at noon nagho-hold water ang kaso ni Senator De Lima ay wala talagang basehan ang pagkaso sa kaniya,” giit ni Dela Rosa.

“In fact nakasuhan siya, nalabasan ng warrant of arrest so korte, korte ang nagbigay ng warrant of arrest, ‘di ba? So hindi natin masasabi na walang basehan.”

“Siguro nagbago lang ang paningin sa kaso ngayon na wala na si President Rodrigo Duterte pero talagang may basis iyong korte,” saad pa niya.

Samantala, sinabi naman ni Dela Rosa na masaya raw siya sa magiging paglaya ni De Lima.

“Masaya ako para sa kaniya dahil one soul that is freed from detention, masaya ako sa aking kapwa tao,” saad ni Dela Rosa.

Matatandaang nakulong si De Lima, kilala bilang hayagang kritiko ng war on drugs ni dating Pangulong Duterte, noong 2017 dahil sa tatlong kaso hinggil sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison.

Pinawalang-sala naman ng korte ang isa sa tatlong mga drug case ni De Lima noong 2021.

Noon lamang namang Mayo 2023 nang ipawalang-sala rin ang ikalawang kaso ng dating senador.

https://balita.net.ph/2023/05/12/de-lima-pinawalang-sala-sa-isa-pang-drug-case/

Samantala, nito lamang Oktubre nang bawiin ng dalawang mga state witness ang kanilang mga testimonya laban kay De Lima matapos umano silang “makonsensya.”

https://balita.net.ph/2023/10/17/2-state-witnesses-ng-huling-drug-case-bumawi-ng-mga-testimonya-vs-de-lima/

Kasalukuyan namang nagpapatuloy ang paglitis sa isang natitirang kaso ni De Lima habang maaari siyang lumaya mula sa kulungan sa pamamagitan ng piyansa.