Apat na illegal e-lotto operators ang sinampahan ng kaso ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Mandaluyong City Prosecutors Office nitong Lunes.
Mismong si PCSO General Manager Melquiades Robles ang nagtungo sa piskalya at nanguna sa pagsasampa ng reklamo laban sa apat na illegal e-lotto operators na kinabibilangan ng Eplayment Corporation, Paymero Technologies Limited, GlobalCom RCI International at Blockchain Smart Tech Company IT consultancy.
Batay sa siyam na pahinang complaint-affidavit ng PCSO, ang mga naturang e-lotto operators ay sinampahan ng mga kasong usurpation of authority at paglabag sa Republic Act No. 1169 o Presidential Decree no 1602 o Anti Illegal Gambling.
Ayon kay Robles, P4.7 bilyon ang nawala sa kita ng PCSO dahil sa operasyon ng naturang mga kumpanya, na tumigil na ngayon sa kanilang ilegal na gawain.
Nabatid na matapos na makatanggap ng mga sumbong, nagpasaklolo ang PCSO sa National Bureau of Investigation (NBI) na agad namang nagsagawa ng imbestigasyon at nangalap ng mga ebidensya.
Dito napag alaman na ginagamit ng apat na kumpanya ang pangalan at logo ng PCSO, gayundin ang mga lottery game nito at tumatanggap ng pusta sa pamamagitan ng hindi awtorisadong mobile applications at websites.
Napag-alaman din na walang pisikal ticket na binibigay ang mga kumpanya sa mga bettor nito kaya hindi sigurado kung paano nakukubra ang premyo ng mga nanalo.
Sa isang panayam, sinabi ni Robles na magsilbi na sanang babala ang ginawa nilang pagsasampa ng kaso sa mga tao o kumpanyang sangkot sa ilegal na aktibidad.
Siniguro rin niya na patuloy na magsusumikap ang PCSO para tiyakin ang pananatili ng isang secure at mapagkakatiwalaang lottery experience para sa lahat ng kalahok.
"Hindi tayo nagbibiro. Kakasuhan at ipakukulong natin ang lahat ng may kaugnayan sa ligal na operasyong ito para mahinto na ang kalokohan nila," babala pa ni Robles.