Nagdaos ng support rally ang “Magnificent 7,” na binubuo ng major transport groups na PASANG MASDA, BUSINA, ALTODAP, ACTO, STOP & GO, UV EXPRESS, at LTOP, para kay Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III, sa harapan ng Central Office ng LTFRB sa Quezon City nitong Biyernes, Oktubre 20, 2023.

Naglabas din ang mga naturang major transport groups, na bumubuo ng 95% ng transport sector ng bansa, ng isang joint support statement at hiniling kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maibalik si Chairman Guadiz sa puwesto, kasabay ay pinatunayan ang kredibilidad at competence nito bilang hepe ng LTFRB.

Guadiz, walang planong rumesbak kay Tumbado

“Bilang mga grupo na matagal nang sumubok sa serbisyo ng LTFRB, nananatiling buo ang aming paniniwala at suporta kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na hindi nagkulang sa pagbalangkas ng mga proyekto, programa, at hakbang para sa aming mga ordinaryong operator at tsuper,” bahagi ng joint support statement ng mga transport groups.

“Mapagpakumbaba naming hinihimok si Pangulong Marcos na pakinggan ang tinig ng nakararami at ibalik si Chairman Guadiz para ipagpatuloy niya ang kanyang mga programa at proyekto para sa aming mga operator at mga tsuper,” dagdag pa nila sa naturang joint support statement, na pirmado ng mga pangulo at kinatawan ng naturang mga major transport groups.

Nagbabala rin ang ‘Magnificent 7’ sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga akusasyon laban kay Guadiz dahil ang mga ito anila ay nagmula sa isang taong may ‘kuwestiyonableng kredibilidad,’ na tumutukoy umano kay Jeffrey Tumbado.

Matatandaang kinabukasan ay kaagad ding binawi ni Tumbado ang kanyang mga walang basehang mga paratang laban kay Guadiz matapos mapagtantong mali ang paggawa ng mga naturang walang basehang paratang.

Ayon sa grupong STOP & GO, si Chairman Guadiz ay “actually one of the saving graces of the BBM administration.”

“Chairman Guadiz was the one who brought back the trust of the transport stakeholders and the public to the LTFRB,” anito pa sa isang hiwalay na pahayag.

Dagdag pa nito, “The STOP & GO TRANSPORT COALITION can attest to the integrity, dedication and sincerity of Chairman Guadiz in attending to all issues and concerns of different transport groups in particular and the public in general.”

Magugunitang sa isang television interview kamakailan, sinabi ni Guadiz na pinatawad na niya si Tumbado at wala siyang planong magsampa ng libel laban dito matapos na paulit-ulit na humingi ng patawad sa kanya dahil sa pagsira sa kanyang malinis na reputasyon.

Ibinunyag din niya na nagalit sa kanya si Tumbado matapos na ma-demote ng puwesto dahil sa “attitude problem.”

Nang matanong naman kung ano ang una niyang gagawin sakaling ibalik siya sa puwesto ni Pang. Marcos, sinabi ni Guadiz na patutunayan niya sa publiko na ang mga alegasyon laban sa kanya ay pawang kasinungalingan lamang na pinagtagni ng isang ‘disgruntled employee.’