Naghain ng panukalang batas si Senador Lito Lapid na naglalayong dagdagan ang campaign expenses sa national at local elections sa bansa para matugunan umano ang epekto ng inflation sa gastusin ng mga kandidato.
Sa inihaing Senate Bill No. 2460, bibigyan nito ng mandato ang Commission on Elections (COMELEC) na mag-update o magtakda ng limitasyon sa campaign expenses depende umano sa pabago-bagong economic condition dahil sa inflation.
Aamyendahan nito ang Republic Act No. 7166 o ang "Synchronized National and Local Elections and for Electoral Reforms Act of 1991," na nagtatakda ng campaign expenses ng bawat kandidato sa halalan.
"Mahigit tatlong dekada na po mula nang isabatas ang R.A No. 7166, at ang tatlong piso hanggang sampung pisong limitasyon sa campaign expenses kada botante ay wala na pong halaga ngayon," paliwanag ni Lapid nitong Oktubre 15.
"Sa pamamagitan po ng pag-a-update ng mga gastusin sa kampanya, layunin nating gawing mas makatotohanan ang badyet sa kampanya at sumasalamin sa umiiral na presyo ng mga produkto at serbisyo," dagdag pa ng senador.
Katwiran pa ni Lapid na matagal nang nakabinbin umano ang panukala sa Senado simula pa noong ika-16 na balangkas ng Kongreso.
Dagdag pa niya, kung naisabatas na umano ito noon, mapapakinabagan daw sana ito ng mgakandidato sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sa ilalim ng Senate Bill, ang campaign expense limits sa bawat botante para sa presidential candidate ay P50, vice-president ay P40 at P30 para sa senator, district representative, governor, vice-governor, board member, mayor, vice-mayor, councilor, at party-list representative.
Hindi naman pinalitan sa ilalim ng panukala ang P5 limitasyon sa mga independent candidate.
Para sa political parties, itinaas ang ceiling cap mula sa P5 ay gagawin ng P30 sa bawat botante.
Binibigyan ng mandato ang Comelec, katuwang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Economic and Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) para magbago ng limitasyon sa campaign expense kada botante base sa inflation rate at consumer price index.