Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Oktubre 8, na tatlong sama ng panahon ang kasalukuyan nitong binabantayan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Sa public weather forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, inulat ni Weather Specialist Daniel James Villamil na patuloy nilang mino-monitor ang Typhoon Koinu (dating bagyong Jenny) sa labas ng PAR.
Huli umano itong namataan 725 kilometro ang layo sa kanluran ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 190 kilometers per hour.
Halos hindi gumagalaw ang bagyo, ngunit wala naman na umano itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Ikalawa, binabantayan din umano ng PAGASA ang tropical storm na may international name na “Bolaven” sa layong 3,045 kilometro ang layo sa silangan ng Visayas, taglay ang lakas ng hanging malapit sa gitna na aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong umaabot sa 80 kilometers per hour.
“Mabagal itong gumagalaw pakanluran at hindi naman natin ito inaasahang papaasok ng ating [PAR] sa mga susunod na araw,” ani Villamil.
Wala rin umanong direktang epekto ang naturang bagyo sa bansa.
Samantala, isang low pressure area (LPA) din umano ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng PAR. Huli itong namataan 1,845 kilometro ang layo sa silangan ng Visayas.
Nananatili umanong maliit ang tsansang maging bagyo ang nasabing LPA sa mga susunod na araw.
Posible naman itong makapasok ng PAR sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
“Sa ngayon ay wala rin itong direktang epekto sa anumang bahagi ng ating bansa,” saad din ni Villamil.
Patuloy naman umano ang pag-iral ng southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon.
Dahil dito, ayon kay Villamil, inaasahang makararanas ng maaliwalas na panahon sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa ngayong Linggo, maliban na lamang umano sa mga tsansa ng isolated rainshowers o localized thunderstorms.