“Hindi ko hinihingi ang respeto mo, VP Sara.”
Ito ang naging sagot ni Senador Risa Hontiveros nang sabihin ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na wala itong respeto sa kaniya at kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
“Hindi ko hinihingi ang respeto mo, VP Sara. Ang hinihingi ko sa iyo, at ng taumbayan, ay accountability. Kaya, i-account n’yo na lang kung para saan ang hinihingi n’yong confidential funds,” saad ni Hontiveros nitong Huwebes, Setyembre 14.
Buwelta pa ni Hontiveros, higit isang linggo na raw mula nang nag-hearing tungkol sa confidential funds pero mas marami pa raw patutsada ang bise presidente kaysa sa paliwanag.
“Kung hindi mo kayang irespeto ang mga katrabaho mo, irespeto mo man lang sana ang paggasta ng pera ng bayan. Higit isang linggo na simula nang nag-hearing tungkol sa confidential funds, pero mas marami ka pang patutsada kaysa sa paliwanag,” anang senadora.
Noong Martes, natanong ng mga mamamahayag si Duterte kung bakit niya pinatutsadahan sina Hontiveros at Castro sa inilabas nitong pahayag tungkol sa pangunguwestiyon sa confidential funds noong 2022.
“Because I do not respect Ms. Castro and Ms. Hontiveros. I have no respect for them,” ani Duterte sa ulat ng Manila Bulletin.
Matatandaang iminumungkahi ng OVP ang P2.385 bilyong budget para sa 2024 at bukod dito humihingi rin ito ng P500 milyong confidential at intelligence funds.
Binigyang-diin ni Duterte sa mga senador na hindi iginigiit ng OVP ang anumang halaga, ngunit mas madali umanong maisakatuparan ang trabaho ng opisina kung magkakaroon ito ng confidential funds upang matiyak na ligtas ang pagpapatupad ng mga proyekto nito.
“We can only propose but we are not insisting. We can live without confidential funds but of course our work will be much easier if we have the flexibility of confidential funds in monitoring the safe, secure, and successful implementations of the programs and projects and activities of the OVP,” ani Duterte.
Kaugnay na Balita: VP Sara Duterte pinatutsadahan si Hontiveros hinggil sa confidential funds