Nakapanayam sa "Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS)" ang balo ng pumanaw na GMA broadcast journalist na si Mike Enriquez, na si Lizabeth Enriquez o may palayaw na "Baby."

Pag-amin ni Baby, hindi pa ganap na pumapasok sa kaniyang kukote at kamalayan ang paglisan ng kaniyang kabiyak. 46 na taon pala ang naging pagsasama nila ni Mike. Nagpaunlak ng panayam ang biyuda ng mamamahayag kay Jessica, sa mismong lamay nito.

Naibahagi ni Baby ang mga huling sandali ni Mike habang nakikipaglaban pa ito sa buhay.

Matagal na raw nakikipaglaban ang nasirang esposo sa mga sakit, kaya upang maibasan ang pangungulila at kalungkutan sa pagpanaw nito, iniisip na lang din ni Baby na "consolation" na ang kamatayan upang hindi na maghirap at makaranas ng pain ang mister.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“Yung huling hole niya is yung tracheostomy ba yun? Nilagyan na siya ng ano dito," pahayag ni Baby habang itinuturo ang isang bahagi ng kaniyang lalamunan.

“At the end, dina-dialyze na siya because of the infection. It was affecting his kidneys already, so they had to do dialysis. And dito nila pinapadaan," dagdag pa nito sabay turo sa kaliwang bahagi ng kaniyang leeg.

Dahil nga palyado na ang kidney, sumailalim sa transplant si Mike noong Disyembre 2021. Naging maayos naman daw ang kaniyang bagong kidney at nag-function nang mabuti.

Subalit nagkaroon ng impeksyon ang operasyon niya dahil naman sa pulmonya. Bumaba umano ang immune system ni Mike dahil sa anti-rejection medicine na inilapat nila sa katawan nito, para sa kidney transplant.

"Kaya nahirapan ang mga doctors to arrest the infection because of that," ani Baby.

Agosto 29, tila bumigay na raw ang katawan ni Mike matapos itong sumailalim sa routine dialysis. Bigla na lamang daw bumaba ang blood pressure nito at huminto sa pagtibok ang puso.

Nang mga sandaling iyon ay patungo pa lang sa St. Luke's Medical Center si Baby nang makatanggap daw siya ng text message mula sa caregiver ng asawa, na isinasalba na raw ang buhay nito.

"I was on the way na to the hospital, siguro mga 1PM, and then suddenly the caregiver texted me na, 'Ma'am, Sir Mike is being resuscitated already.'"

Pagdating daw niya sa ospital, doon niya nalamang tatlong beses na palang nirerevive ang asawa. Awang-awa raw siya sa hitsura nito, dahil maraming tubong nakasaksak sa katawan nito.

Dito raw ay nasabi ni Baby sa doktor na "Enough na." Lumabas siya ng ICU dahil hindi na niya napigilan ang pagbuhos ng emosyon.

Nasabi naman daw ni Baby ang mga gusto niyang sabihin kay Mike bago ito malagutan ng hininga.

"‘Sige, Mike. I'll be fine. I'll be fine. I know God will not forsake me. Kung pagod ka na, you rest na. And I love you,'" sabi raw ni Baby kay Mike hanggang sa mag-flatline na nga ito.

Noong Setyembre 3, 2023 ay naihatid na sa huling hantungan ang mga labi ng kaniyang mister sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Nagpapasalamat si Baby sa lahat ng mga kaibigan, katrabaho, at mga tagasuporta ng mister na nagpapahayag ng kanilang pakikiramay para sa kanilang mga naulila.