Kinaaliwan ng maraming netizen ang nadiskubreng ceiling fan ng content creator na si Robert Salvado sa kaniyang Facebook video na in-upload noong Miyerkules, Agosto 30.

Ayon kay Robert, maraming tao ang namomroblema sa malaking bill ng kuryente kada buwan.

“Kaya naisipan kong gumawa ng ganitong ceiling fan na di na nangangailangan ng kuryente,” paliwanag niya sa video.

Mabigat na bakal, lubid, at elise lang ang kailangang materyal para mabuo ang nasabing ceiling fan. Tapos, pwede nang isabit sa kisame at paikutin sa tuwing ito ay titigil.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Napakadali lang gamitin,” saad pa ni Robert.

Humakot ng samu’t saring reaksiyon ang nasabing video:

“Sarap ng gising mo niyan. Walang tulog’

“sarap nyan dalhin sa outing boss ..”

“Higa/bangon na fan yan lods. Fan na walang kuryente at walang tulog!🤣😂”

“Yan yong natutulong kalang ng mahimbing tapos pag gising mo may malaking bukol kana kasi naputol 🤣”

“Hindi ka nyan makakatog kc kapag tumigil ang ikot babangon ka naman para paikotin ulit...hahahahaha…”

“Cgurado lalamig ang pakiramdam mu pero iinit ulo mu 😅😅”

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Robert, sinabi niya na dala lang umano ng inip kaya niya nagawa ang naturang video.

“Sobrang boring [ko lang] sa araw [na ‘yan] dahil walang magawa, kaya naisipan kong gumawa niyan para magpatawa lang ng mga tao.”

Dagdag pa ni Robert, bata pa lang daw talaga siya ay mahilig na siya sa electronics.

“At nakapag-aral ako ng consumer electronics servicing. Trabaho ko talaga ang [mag-repair] ng mga sirang appliances tulad ng tv, amplifier, electric fan, at iba pa.”

Kaya hindi nakakapagtaka na ang content niya ay laging may kinalaman sa pagkukumpuni o pag-iimbento ng kung ano-anong gamit.

Masaya raw si Robert sa naging reaksiyon ng mga netizen sa ginawa niyang video.

“Sobra-sobra po akong natatawa sa mga reaction sa akin sa comment section.Wala naman talaga akong ibang intention sa ginagawa ko kundi ang magpatawa lang talaga.”

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!