Nakatakda nang simulan ng Department of Education (DepEd) sa Setyembre ang pilot implementation ng revised Kindergarten to Grade 10 (K-10) curriculum para sa basic education.
Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni DepEd deputy spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas na isasagawa ang pilot implementation sa 20 paaralan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Kabilang aniya sa makikiisa sa pilot program ng nirebisang curriculum ang ilang paaralan sa National Capital Region (NCR).
Gayunman, hindi pa tinukoy kung aling paaralan ang kalahok dito.
Ayon kay Bringas, titipunin nila ang mga findings sa pilot implementation bilang paghahanda sa phased implementation nito sa mga susunod na taon.
Nabatid na ang phased implementation para sa mga mag-aaral sa Kinder, Grade 1, Grade 4, at Grade 7 ay sisimulan SY 2024-2025 at susundan ng Grades 2, 5, at 8 sa SY 2025-2026.
Ang Grades 3, 6 at 9 naman ay sa SY 2026-2027; at ang Grade 10 naman ay sa SY 2027-2028.
Matatandaang una nang inilunsad ng DepEd ang bagong “Matatag” K-10 curriculum ng K-12 program.
Nitong Martes naman, nagbukas na ang klase para sa School Year (SY) 2023-2024.