Inanunsiyo ng Toll Regulatory Board (TRB) nitong Miyerkules na magsisimula na sa susunod na buwan ang pagdaraos ng dry run ng cashless toll collections sa mga expressways.

Batay sa abiso ng TRB, nabatid na simula sa Setyembre 1 ay aalisin na muna ang mga cash lanes at susubukan ang contactless o cashless toll collection.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kasunod na rin ito ng kautusan ng TRB sa mga tollway operators at concessionaires na magdaos ng dry run ng Contactless Program sa mga piling kuwalipikadong toll plazas sa loob ng dalawang buwan.

Ayon sa TRB, isasagawa ang dry run upang matukoy ang kahandaan ng mga tollway concessionaires at operators para sa maayos at episyenteng muling pagpapatupad ng Contactless Program.

Mahigpit ding hinihikayat ng TRB ang mga tollway users na lumipat na sa RFID.

Ang mga mayroon namang existing RFID stickers ay pinapayuhang ipa-check ang kanilang mga stickers upang malaman kung kailangan na itong palitan.

Anang TRB, dapat ring tiyakin na may sapat silang load bago pumasok sa expressway.

Para sa Easy trip users, kabilang sa mga toll plazas na kuwalipikadong lumahok sa dry run ay ang North Luzon Expressway, Subic Clark Tarlac Expressway, Cavite-Laguna Expressway, at Manila-Cavite Toll Expressway (C5 Southlink - Taguig Toll Plaza at Merville Toll Plaza).

Para naman sa Autosweep subscribers, lalahok ang NAIA Expressway,  South Metro Manila Skyway, Stages 1 at 2 (Skyway Elevated Alpha at Bravo, C5 Exit at Entry, Nichols Entry, Nichols Exit, Merville Exit, Bicutan Entry SB at NB, Sucat Exit SB at NB, Alabang SB Exit), South Luzon Expressway  (Filinvest Exit and Entry, Alabang NB anlt SB, Mamplasan NB, Sta. Rosa NB, ABI SB at NB, Cabuyao SB, Silangan SB, Batino SB Exit, Calamba-Turbina SB Exit, Calamba NB Exit, Canlubang SB Entry, Calamba SB Entry, Calamba-Real NB Entry, Calamba-Turbina A NB Entry),  Muntinlupa-Cavite Expressway, Metro Manila Skyway Stage 3 (Buendia NB Entry, Buendia SB Exit, Plaza Dilao SB Entry, G. Araneta NB Entry, Quezon Ave. NB Entry, Quezon Ave. NB Exit, Quezon Ave. SB Entry, Del Monte NB Alpha),  Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (Victoria Toll Plaza, Pura Toll Plaza, Anao Toll Plaza, Pozorrubio Toll Plaza, Rosario Toll Plaza), at STAR Tollway (Sto. Tomas SB Entry, Sto. Tomas NB Entry, Tanauan NB Entry).

Matatandaang Agosto 13, 2020 pa nang ipalabas ng Department of Transportation (DOTr) ang Department Order No. 2020-12 para sa cashless o contactless transactions.

Layunin nitong mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at matiyak na mabilis at maayos ang daloy ng trapiko sa expressways.

Kalaunan naglabas ang DOTr ng "addendum” noong Enero 29, 2021 at pinahintulutang muli ang paggamit ng cash lanes dahil sa ilang problemang kaakibat ng programa, kabilang ang aberya sa mga RFIDs.