₱45.9M shabu mula Dubai, naharang sa Pasay
₱45.9M shabu mula Dubai, naharang sa Pasay
Naharang ng mga awtoridad ang aabot sa ₱45.9 milyong halaga ng shabu mula sa United Arab Emirates (UAE) sa ikinasang operasyon sa Paircargo warehouse sa Pasay City nitong Miyerkules.
Sa Facebook post ng Bureau of Customs (BOC), ang nasabing shipment na mula sa Dubai, UAE ay dumating sa bansa via Emirates Airlines flight 0336 nitong Agosto 2.
Idineklara ito bilang "African Cultura" at ipapadala sana sa Makati City nang maharang ng mga tauhan ng Paircargo Assessment team sa X-ray screening.
Nang buksan ng mga tauhan ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA (Ninoy Aquino International Airport)-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, naglalaman ito ng pillow cases, mga mani at kumot kung saan nakatago ang illegal drugs.
Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang kaso upang mapanagot ang mga nasa likod nito.