Ibinahagi ni Senador Bong Go ang pagkikita at pagkakadaupang-palad nina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte, nang bumisita ang huli sa Palasyo nitong Miyerkules, Agosto 2, 2023.
"Sa pagbisita ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ngayong araw na ito, nagkita sila ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.," ani Go sa kaniyang Facebook post.
Si Go, na dating Special Assistant to the President (SAP) ni Duterte, ay nakaharap naman ang kasalukuyang SAP ni PBBM na si Secretary Anton Lagdameo.
Nagkaharap din sina dating executive secretary Salvador Medialdea, gayundin ang kasalukuyang executive secretary ni Marcos na si Atty. Lucas Bersamin.
Ito ang unang pagkakataong nag-post si Go sa kumpletong pagkikita ng mga "noon" at "ngayon" sa pamahalaan.
Hindi naman binanggit sa FB post ang dahilan kung bakit nagsadya ang dating pangulo at ang senador sa Malacañang.