Ibinahagi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Hulyo 21, na napanatili ng bagyong Egay ang lakas nito at maaari umanong maging isang Super Typhoon sa mga susunod na araw.
Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng hapon, namataan ang sentro ng bagyo 835 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon na may maximum sustained winds na 55 kilometer per hour at pagbugsong 70 kilometer per hour.
Kimikilos umano ito pa-kanluran hilagang kanluras sa bilis na 20 kilometer per hour.
Sa ngayon, wala pang naitatalang Tropical Cyclone Wind Signal ang PAGASA sa alinmang lugar dulot ng nasabing bagyo.
Inaasahan naman umanong lalakas ang Tropical Depression Egay sa susunod na 12 oras at magiging Tropical Storm.
Ayon pa sa PAGASA, maaari itong patuloy na tumindi at umabot sa kategoryang Super Typhoon sa huling bahagi ng Lunes o unang bahagi ng Martes habang kumikilos ito sa Philippine Sea sa silangan ng Luzon.