Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes na nakapagtala na lamang ng 4.2% na Covid-19 positivity rates ang National Capital Region (NCR) hanggang noong Hulyo 8, 2023.

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David, nabatid na mula sa dating 4.8% noong Hulyo 1 ay nakapagtala na lamang ang NCR ng Covid-19 positivity rate na 4.2% noong Hulyo 8.

Ayon pa kay David, bukod sa NCR, nakapagtala na rin ng low positivity rates sa mga naturang petsa ang Bulacan, na mula 5.3% ay naging 4.8% na lamang; at ang Cavite na mula 6.6% ay naging 4.8% na lamang.

Nakapagtala rin naman aniya ng upticks o pagtaas ng positivity rate ang mga lalawigan ng Camarines Sur, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Rizal at Zambales.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

“7-day testing positivity rates in Luzon as of July 8 2023. In NCR, it decreased to 4.2%. Low positivity rates in NCR, Bulacan, Cavite. Upticks in Camarines Sur, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Rizal, Zambales,” tweet pa ni David.

Samantala, pagdating naman sa positivity rates sa Visayas at Mindanao, sinabi ni David na nakapagtala na rin ng low positivity rates o less than 5% ang mga lalawigan ng Cebu, Davao del Sur, Iloilo, Leyte, at Misamis Oriental habang nasa high naman ang positivity rates sa Aklan at South Cotabato.

Ang nationwide positivity rates naman aniya ng Pilipinas sa Covid-19 ay naitala sa 6.3% hanggang noong Hulyo 9.

Ang positivity rate ay yaong porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa Covid-19, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.

Nasa 5% ang threshold na itinakda ng World Health Organization (WHO) sa Covid-19 positivity rate.