Humiling muli ng taas-pasahe ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Lunes.

Kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Cesar Chavez na naghain sila ng petisyon para sa taas-pasahe sa DOTr-Rail Regulatory Unit (RRU).

Ayon naman kay DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino, na siya ring officer-in-charge ng MRT-3, layunin ng petisyon na madagdagan ng P2.29 ang kanilang boarding fare at maging P13.29, mula sa dating P11 lamang.

Nakasaad din aniya sa petisyon ang hiling na mapahintulutan silang maitaas ang distance fare ng hanggang P1.21 kada kilometro, mula sa dating P1 kada kilometro.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Inaasahan umano nilang mailalabas ang desisyon sa petisyon sa loob ng dalawang buwan.

Sa kasalukuyan, ang pasahe sa MRT-3 ay nasa mula P13 na minimum hanggang P28 na maximum.

Sinabi ni Chavez, tulad ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2), wala ring fare adjustment ang inaprubahan para sa MRT-3 sa nakalipas na walong taon.

Kamakailan lamang naman ay inianunsiyo ng DOTr na pinahintulutan na ang LRT-1 at LRT-2 na magtaas ng pasahe simula sa Agosto 2.