Bumulusok pa sa limang porsyento ang 7-day testing positivity rate sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ng National Capital Region (NCR).
Ito ay pasok na sa five percent threshold na itinatakda ng World Health Organization (WHO) para sa positivity rate ng sakit.
Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Linggo, ang naturang porsyento ng positivity rate ay naitala nitong Hunyo 30., 2023.
Ito ay mas mababa kumpara sa 5.9 porsyento na naitala sa rehiyon nitong Hunyo 23.
Dahil dito, sinabi ni David na nasa low risk na ngayon sa Covid-19 ang Metro Manila.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong nagpositibo sa sakit mula sa kabuuang bilang ng mga isinailalim sa pagsusuri.