Magandang balita.

Ito’y dahil iniulat ng independiyenteng grupong OCTA Research Group na bumalik na sa less than 10% na ang Covid-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Huwebes, nabatid na hanggang noong Martes, Hunyo 13, bumaba na sa 9.4% ang positivity rate ng Covid-19 sa rehiyon.

Ito ay malaking pagbaba mula sa dating 14.6% noong Hunyo 6.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga tao, na nagpositibo sa Covid-19, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.

Samantala, iniulat rin naman ni David na ang hospital bed occupancy sa NCR ay bahagya ring bumaba sa 24.1% mula sa dating 25.5%, sa kaparehong panahon.

Dagdag pa ni David, sa ngayon ay nananatiling low risk sa COVID-19 ang NCR.

“NCR 7-day testing positivity rate decreased below 10%, to 9.4% as of June 13 2023. It was at 14.6% on June 6. Over the same period, hospital bed occupancy in the NCR decreased from 25.5% to 24.1%. NCR remained at LOW RISK. #COVID19 #covid,” tweet ni David.

Sa naunang tweet, sinabi rin naman ni David na ang nationwide positivity rate ng bansa sa Covid-19 hanggang noong Hunyo 14, 2023 ay nasa 11.9% na lamang.

“June 14 2023 DOH reported 468 new cases, 0 deaths,  733 recoveries 9843 active cases. 11.9% 7-day positivity rate. 105 cases in NCR. Projecting 500-600 new cases on 6.15.23,” aniya pa.