Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na tumaas ng 38% ang bilang ng mga naitalang kaso ng dengue sa bansa, sa unang limang buwan ng taon.
Batay sa pinakahuling disease surveillance report ng DOH, nabatid na umabot sa 48,109 ang dengue cases na naitala nila mula Enero 1 hanggang Mayo 13, 2023.
Ito ay mas mataas anila ng 38% kumpara sa 34,963 kaso lamang na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2022.
Anang DOH, karamihan ng dengue cases ay naitala sa Metro Manila (6,395), Calabarzon (5,135), Davao Region (4,842), Central Luzon (4,722), at Northern Mindanao (4,278).
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 176 dengue-related deaths o 0.37% na case fatality rate (CFR).
Mas mababa naman ito kumpara sa 203 deaths na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2022, na may CFR na 0.58%.