Halos 700,000 na ang backlog sa driver's license sa bansa.
Ito ang kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa isinagawang pagdinig sa Senado kaugnay sa usapin nitong Huwebes.
Ipinaliwanag ng opisyal na nasa 70,000 na lamang ang natitirang plastic card ng Land Transportation Office (LTO) at ito ay nakalaan lamang sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nangangailangan ng driver's license sa kanilang trabaho.
“Right now, meron nang shortage ng driver’s licenses. As of today, we have only around 70,000 ID cards available nationwide and we’re reserving this for iyong mga OFW kasi kailangan nila iyong mga ID na iyon. Ang backlog nito ay inaabot ng 690,000," aniya.
Dahil dito, aniya, napilitan silang palawigin hanggang sa Oktubre 31 ang bisa ng mga lisensyang nag-expire nitong Abril.
Aniya, official receipt (OR) na lamang muna ang inilalabas ng LTO para sa mga aplikanteng naghihintay pa ng lisensya.
Magsisilbi aniyang pansamantalang lisensya ang nasabing OR hangga't wala pang inilalabas ang LTO.