Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na target ng gobyerno ang 97.55% rice sufficiency rate para sa Pilipinas sa limang taon.

Sinabi ito ni Marcos kasunod ng kaniyang pag-apruba sa Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP) nitong Miyerkules, Mayo 31.

Sa isang panayam kasunod ng rice industry convergence meeting sa Quezon City, sinabi ng Pangulo na ang MRIDP ay isang magandang roadmap ngunit maraming bagay ang maaaring mangyari habang nagsusumikap ang bansa na makamit ang nasabing rice self-sufficiency target.

Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi 100% ang kanilang target rate.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"I don't think you have to be 100 percent because there's a… But I think 97.5 I think is a good enough number. Masasabi naman natin na,” ani Marcos.

"You do not have to really go to 100 percent kasi 'yung three percent iba yung mga niche products. Yung mga organic, special na grain, Japanese rice, mga ganoon," dagdag niya.

Hinikayat ni Marcos, na nagsisilbi rin bilang Kalihim ng Agrikultura, ang mga stakeholder na manatili sa roadmap na inilarawan niya bilang isang "magandang plano" na maaaring magbigay-daan umano sa sektor ng agrikultura upang malampasan ang anumang mga hadlang na naghihintay sa hinaharap.

Kasabay nito, nagpahayag ng tuwa ang Pangulo sa pagsasagawa ng convergence meeting upang mapakinggan ang ibang mga mungkahi at presentasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na sa pagpupulong, binaybay ni Marcos ang mga hakbang na maaaring makatulong sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura, pagpapataas ng produktibidad at pag-angat sa kalagayang pang-ekonomiya ng mga magsasaka.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang convergence, pagtatatag ng mas maraming kooperatiba, pag-adopt ng mekanisasyon at mga bagong teknolohiya, at digitalization.

"Let's make it as easy for them as possible and make it as attractive as possible for younger people. Digitalization, I think, is going to be part of that," ani Marcos.

Nasa 2.58 milyong magsasaka mula sa 7.46 milyon na nakatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang nakikibahagi sa pagtatanim ng palay.

Ang limang pinakamataas na rehiyong gumagawa ng bigas noong 2022 ay ang Gitnang Luzon na may 3.62 milyong metriko tonelada (MMT); Cagayan Valley, 2.93 MMT; Kanlurang Visayas, 2.32 MMT; Ilocos Region, 1.96 MMT; at Bicol Region, 1.33 MMT.

Argyll Cyrus Geducos