Inihayag ng Maynilad Water Service Inc. (Maynilad) na 13 barangay sa mga lungsod ng Parañaque at Pasay ang makararanas ng water service interruptions sa Mayo 25 hanggang 26.
Ayon sa Maynilad, ipatutupad ang water service interruption dahil sa pagsasaayos ng tumagas na ultra-filtration backwash valve sa Putatan Treatment Plant 2 sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.
Sa anunsyo ng Parañaque Public Information Office (PIO), mula 12:01 a.m. ng Mayo 25 hanggang 11:59 p.m. ng Mayo 26, ang limang barangay na makakaranas ng water interruption ay ang Barangay BF Homes, Don Bosco, Marcelo Green, San Antonio at San Martin de Porres.
Sinabi ng PIO na ilang lugar sa Barangay Marcelo Green at San Antonio ang muling isasama sa water service interruption kabilang ang Barangay Merville at Moonwalk simula alas-8 ng gabi sa darating na Mayo 25 hanggang ika-6 ng umaga sa Mayo 26.
Ang Barangay BF Homes at BF International ay makakaranas ng 17-hour water interruption mula 12:01 a.m. hanggang 5 p.m. mula Mayo 25 hanggang 26.
Sa Pasay City, ang anim na barangay na makararanas ng water service interruption sa loob ng 10 oras ay ang Barangay 181 hanggang 185 at 201 mula 8 p.m. sa Mayo 25 hanggang ika-6 ng umaga sa Mayo 26.
Pinayuhan ng Maynilad ang mga residenteng maaapektuhan na mag-imbak ng sapat na tubig bago ang nakatakdang water service interruption.
Sinabi rin nila sa kanilang mga customer na bisitahin ang kanilang Facebook page para sa anumang alalahanin.
Jean Fernando