Niyanig ng magnitude 4 na lindol ang probinsya ng Aklan nitong Linggo ng umaga, Mayo 21, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan bandang 6:27 ng umaga.

Namataan ang epicenter nito 4 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Nabas, Aklan, na may lalim na 2 kilometro.

Naramdaman ang Intensity III sa Nabas at Ibajay, AKLAN, habang Intensity II naman sa Tangalan, at Kalibo, AKLAN.

Naitala naman ang instrumental intensities sa mga sumusunod na lugar:

Intensity III - Pandan, ANTIQUE; Ibajay, AKLAN

Intensity II - Malay, AKLAN

Intensity I - Malinao, AKLAN

Walang namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.

Hindi rin umano inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.