Pinawalang-sala ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) ang isa sa dalawang natitirang drug case laban kay dating Senador Leila de Lima na inihain ng Department of Justice (DOJ) noong 2017.

Sa desisyong inilabas na RTC Branch 204 nitong Biyernes, Mayo 12, hinatulang “not guilty” sina De Lima at Ronnie Dayan sa kasong 17-165, na inakusahan ang dalawa ng sabwatan para gumawa ng illegal drug trading noong panahon umano niya bilang justice secretary.

“I had no doubt from the very beginning that I will be acquitted in all the cases the Duterte regime has fabricated against me based on the merits and the strength of my innocence,” pahayag ni de Lima na binasa ng legal counsel niyang si Boni Tacardon.

Nagpasalamat din si de Lima sa lahat ng mga naniwala at sumama sa kaniyang laban, lalo na’t dalawang sa tatlong kaso na umano laban sa kaniya ang napawalang-sala.

“Sa huli, tayong lahat na lumaban para manaig ang katarungan ngayong araw na ito ang nagwagi, gaano man tayo sinubukang durugin at patahimikin ng mga lumapastangan sa ating bayan. Sa pagkamit ko ng hustisya sa araw na ito, malinaw sa akin na hindi rin ito ang katapusan. Tuloy ang aking laban,” saad ni de Lima.

Noong Pebrero 2017, nagsampa ang DOJ sa ilalim ng administrasyong Duterte ng tatlong kaso ng illegal drug trading laban kay de Lima at iba pa sa mga korte ng Muntinlupa. Kalaunan ay binago ng mga tagausig ang mga singil sa conspiracy to commit illegal drug trading.

Unang nakulong si de Lima noong Pebrero 24, 2017, sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame dahil umano sa nasabing kasong 17-165 kung saan tumanggap daw si de Lima ng ₱10 milyon noong 2012 mula sa kinita ng illegal drug trading sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Bago ang ibinasurang kaso ngayong araw, na-acquit na ng korte ng Muntinlupa ang unang kaso ni de Lima na 17-166 noong Pebrero 2021.